Ilang taon na rin naman ako na nasa Ortigas. Kaya naman di ko maiwasang mapansin ang kaibahan ng Pasko ngayon kumpara sa mga nagdaang taon.
Kakaunti na lang ang palamuti sa kalye. Yung mga parol na nakasabit sa mga poste ng ilaw, hindi na kasing dami, kasing kulay at kasing sigla. O baka naman hindi ko na lang napapansin dahil sa paglipas ng panahon, unti-unti na akong nasanay, nanawa at naging manhid sa aking paligid?
Ang mga tao sa mall, parang kakaunti na lang din. Dati-rati, siksikan ang tao at di magkamayaw sa pagbili. Ngayon, maluwag ang Megamall. Madaling makapagsukat ng damit, walang pila. Ang mga restoran, hindi na rin ganun kapuno. Malaya kang makakapasok at makakahanap ng mauupuan. Marahil totoo nga ang krisis sa ekonomiya at naghihigpit ng sinturon si Juan.
Wala na rin akong ganang bumili ng regalo. Nung mga lumipas na taon, ganitong araw pa lang ay mga regalo na ako para sa mga pamagkin ko. Gustong gusto ko pa nga noon na pumasok sa toy store at maghanap ng bilin nila. Subalit ngayon, nakakatamad. Ni ayaw ko ngang tumuntong sa toy store. Ang dating saya sa paghanap at pagbili ng regalo, naglaho na.
Ang trapiko, hindi na rin ganun kasikip. Kung nung isang taon, oras ang binibilang bago ako makauwi, ngayon, mga isang oras lang nasa bahay na ako. Nagkukulong na lang ba si Juan sa bahay dahil sa hirap sa buhay?
May katotohanan ba ang kasabihan na ang pasko ay para lang sa mga bata? Sa paglipas nga ba ng panahon at sa ating pagtanda, unti-unting kumukupas ang saya ng pasko? Ang dating pananabik nga ba sa matatanggap na regalo ay napalitan na ng panghihinayang sa perang gagastusin? Saan na napunta ang ningning ng mga mata tuwing may bagong damit at sapatos? Nasaan na ang tawanan, kulitan at hagikgikan ng magkakaibigan?
Marahil ay materyoso ang pananaw ko sa pasko. Ayokong maging ipokrito. Pero sino nga ba talaga sa atin ang buong tapang at buong pusong makakapagsabi na ipinagdiriwang niya ang pasko dahil kay Kristo?
Wednesday, December 10, 2008
Subscribe to:
Posts (Atom)